BATANGAS, Philippines — Napaaga ang salubong ni kamatayan sa 19-anyos na pamangkin ng dating senador matapos malunod habang nagsi-swimming sa beach resort sa bayan ng Nasugbu, Batangas kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director, ang nasawi na si Reigel Alvarez ng Barangay Laging Handa sa Quezon City at pamangkin ni ex-Senator Heherson Alvarez at Department of Environment and Natural Resources Secretary.
Lumilitaw na nag-outing ang grupo ni Alvarez kasama ang mga kamag-anak at kaibigan sa resort sa Talibeach Subdivision sa Barangay Balaytigue nang tangayin ito ng malakas na alon bandang alas-4:40 ng hapon.
Lumutang ang katawan ni Alvarez may 10-metro ang layo mula sa coastline ng resort, ayon sa mga imbestigador.
Naisugod pa sa Apacible Memorial Hospital si Alvarez pero ideneklarang patay ni Dr. Maureen Villanueva.
Batay sa salaysay ni Isaac Valejo, assistant security officer ng resort, sinabihan na ng bankero ang biktima na huwag pumunta sa malalim na bahagi ng dagat pero hindi ito nakinig.