Misis todas sa 'nagwalang' mister
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Isang mister ang naghuramentado dahil sa kahirapan ang sinaksak hanggang sa mapatay ang kanyang misis sa harap ng kanilang mga anak at lubhang nasugatan ang kanyang biyenan kahapon ng madaling-araw sa Lagonoy, Camarines Sur. Ang nasawi ay nakilalang si Ruby Aranes, 25- anyos habang ang ina nitong si Nonita Paano, 52-anyos ay nasa malubhang kalagayan sa Bicol Medical Center. Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspek na si Frederick Aranes, 30 anyos. Ayon sa ulat, bandang alas-3:00 ng madaling-araw ng dumating ang suspek na lasing sa alak at droga sa kanilang bahay saka ito kumuha ng kutsilyo sa kusina saka inundayan ng saksak ang natutulog nitong maybahay sa harap mismo ng kanilang 3 anak. Tinangkang umawat ng biyenan nitong si Nonita subalit ito naman ang kanyang pinagbalingan at sinaksak. Aburido ang suspek dahil matagal na itong walang hanapbuhay. Tumakas ang suspek matapos ang pangyayari habang ang mga anak nito ay nasa pangangalaga ng DSWD.
- Latest
- Trending