BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Isang pulis na sinasabing nag-iimbestiga sa kaso ng pamamaslang sa isang forest ranger ang pinagbabaril at napatay ng mga ‘di-pa kilalang lalaki sa bisinidad ng Barangay Carig Sur sa Tuguegarao City, Cagayan kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing na si PO3 Reynante Agculao, nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Luna, Apayao.
Si Agculao na lulan ng motorsiklo patungo sana sa korte nang dikitan at pagbabarilin ng dalawang lalaki na lulan din ng motorsiklo, ayon kay P/Senior Supt. Mao Aplasca, provincial police director ng Cagayan.
Idineklarang patay sa Cagayan Valley Medical Center ang biktima matapos mapuruhan sa likuran at dibdib.
Lumilitaw na si P03 Agculao ay isa sa nag-iimbestiga sa kaso ng forest ranger na si Kennedy Eber Bayani, na pinagbabaril at napatay noong July 7 sa bayan ng Luna, Apayao.