BATANGAS, Philippines — Napaslang ang isang 30-anyos na sundalo ng Philippine Air Force samantalang sugatan naman ang isang Philippine Army sa naganap na magkahiwalay na bakbakan laban sa mga rebeldeng New People’s Army sa mga bayan ng Balayan at Calatagan, Batangas kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Arcadio Ronquillo, ang napatay na sundalo na si PAF Sergeant Dionisio Lerio Tanguilig ng Barangay Cantaños Lejos sa bayan ng General Mariano Alvarez, Cavite at nakadestino sa 730th Combat Group sa Barangay Patugo Detachment sa Balayan, Batangas.
Sugatan naman si Private First Class Rommel De Leon, 24, ng Palawan at miyembro ng Charlie Coy 16th Infantry Battalion, 2nd ID, Philippine Army, at naka-assign naman sa Barangay Hukay Detachment sa bayan ng Calatagan.
Nabatid na nagsasagawa ng operasyon ang mga sundalo ng PAF sa kagubatan ng Barangay Patugo, Balayan nang makasagupa ang mga rebelde bandang alas-11:45 ng gabi.
Bumulagta agad si Sgt. Tanguilig at idineklarang patay sa Apacible Memorial District Hospital sa bayan ng Nasugbu, Batangas.
Samantala sa bayan ng Calatagan, nagbabantay ng gate ng detachment si PFC De Leon sa Barangay Hukay nang sumabog ang tatlong granada na sinasabing inihagis ng mga rebelde.