Dahil sa Facebook account, serial killer sa Pampanga nadakma

PAMPANGA, Philippines – Face­book account ang naging tulay kaya nasakote ng pulisya ang itinuturing na serial killer na sinasabing pumaslang sa siyam-katao sa follow-up operation sa La Union noong Martes ng hapon.

Kinilala ni P/Chief Supt. Arturo Cacdac ang suspek na si Mark Dizon, 28, computer technician at nakatira sa T-Claudio Street sa Brgy. Salapunga, Angeles City, Pampanga.

Si Dizon na naaresto matapos makipagkita sa kanyang ama sa San Fer­nando City ay positibong tinukoy ng mga testigo mula sa larawan nito sa Facebook account kung saan natukoy ding dating nobyo ng anak ng US Air Force veteran na si M/Sgt. Albert Mitchell, isa sa pina­tay at pinagnakawan sa Angeles City, Pampanga noong Hulyo 23.

Ayon sa pulisya, ang suspek na may patong sa ulo na P.1 milyong pabuya ay itinuturong pumatay sa anim na Pinoy, isang Canadian, isang Briton at isang Kano sa magkaka­hiwalay na krimen sa Angeles City nitong Hulyo

Kabilang sa minasaker ng suspek maliban sa 70-anyos na si Mitchell ay ang Briton na si James Porter, 51; at Canadian Geoffrey Bennun, 60; tatlong Pinay na asawa ng mga ito saka tatlong kasambahay na sina Isabel Fajardo, Ma­rissa Prado at si Boy Ver­gara na pinagbabaril sa loob ng bahay sa Henson­ville Court Subd sa Brgy. Malabanias, Angeles City noong Hulyo 22.

Kasunod nito, matapos ma­­tukoy ng guwardiya ng nabanggit na subdivision ang suspek ay nagsara na ng Facebook account ang suspek subalit nakuha na ng pulisya ang ilang im­pormasyon tulad ng kan­yang profile photo at ma­ging ang mga nakaw na laptop, camera at cell phone na isinanla ay isi­nuko ng may-ari ng pawnshop.

Magugunita na noong Hulyo 9, 2005 ay dinakip si Dizon at kasama nitong si Edgar Bognot dahil sa kasong robbery at karna­ping subalit naabsuwelto dahil sa kawalan ng complainant sa kaso. Randy Datu at Joy Cantos

Show comments