BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Anim na Chinese nationals ang inaresto ng pulisya matapos mahuli sa aktong nagsasagawa ng iligal na pagmimina sa bahagi ng Lallo, Cagayan, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ng pulisya ang mga nahuling dayuhan na sina Lin Zhenquo, 45; Lin Qingmu, 26; Lin Jianxin, 38; Lin Zhenbing, 41; Lin Wende 50 at Lin Derong, 36, pawang mga residente ng Yuchien, China.
Sinabi ni Cagayan Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Mao Aplasca, ang mga ito ay nasakote ng kanyang mga tauhan sa aktong illegal na nagmimina sa may Cagayan River sa Lallo bandang alas-7 ng gabi noong Huwebes.
Napag-alaman na ang mga nahuling Intsik ay empleyado umano ng San You Phil Mining Trade Ltd., na nagsasagawa ng illegal na operasyon sa bansa.
“The Chinese are now in our custody. Their vessel is being guarded by our men while coordination is being conducted with the Department of Environment and Natural Resources and the provincial government for the filing of appropriate charges,” pahayag ni Aplasca.