MANILA, Philippines - Isang linggo matapos na magdeklara ng total war laban sa mga robbery gangs, isang magkapatid na kapwa miyembro ng notoryus na grupo na sangkot sa LBC robbery sa Passi City kamakalawa ang napatay sa pakikipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng pulisya sa Calinog, Iloilo nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 6 Director Chief Supt. Samuel Pagdilao ang mga napaslang na suspect na sina Arnel at Gilbert, alyas Lungkot; pawang Chiva ang apelyido na mga miyembro ng notoryus na Chiva robbery gang.
Bandang alas-7 ng umaga nang salakayin ng Anti-Robbery Task Group ng Regional Intelligence Office 6 at Criminal Investigation and Detection Group 6 ang hideout ng mga suspect sa Sitio Bolicao, Brgy. Alibunan, Calinog, Iloilo City.
Una rito binuo ni Pagdilao ang Anti-Robbery Task Group kasunod ng idineklarang total war vs robbery gang sa kaniyang hurisdiksyon. Ang mga suspect ay kabilang sa talaan ng most wanted persons na sangkot sa robbery holdup sa buong lalawigan.
Sinabi ni Pagdilao, bitbit ang warrant of arrest ay sinalakay ng mga awtoridad ang pinagtataguan ng mga suspek pero sa halip na sumuko ay pinaputukan ng mga ito ang mga awtoridad na nagresulta sa shootout na ikinasawi ng mag-utol.
Base sa impormasyon ang robbery gang ng magkapatid ang responsable sa panghoholdap sa sangay ng LBC sa Passi City, Iloilo nitong Biyernes dakong alas-11:30 ng umaga kung saan umaabot sa P458,000 cash ang natangay ng mga ito.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang isang cal. 38 pistol, isang 357 revolver at isang granada.