Umawat sa gulo, tinodas
MANILA, Philippines - Patay ang isang dating bise alkalde na sinasabing umawat lamang sa kaguluhan sa loob ng videoke bar noong Miyerkules ng gabi sa Tabuk City, Kalinga. Kinilala ni Tabuk police commander Chief Inspector Bobby Glen Ganipac ang napatay na si ex-Tanudan Vice Mayor Gilbert Anganay. Lumilitaw sa police report, na nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa loob ng videoke bar nang sumiklab ang gulo sa pagitan ni Santos Wacnang at isang opisyal ng barangay. Nabatid na tinangkang awatin ng biktima subalit umalingawngaw ang putok ng baril mula kay Wacnang. Duguang bumulagta ang biktima at hindi na umabot ng buhay sa Kalinga Provincial Hospital dahil sa tama sa dibdib. Inaresto naman ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong murder.
- Latest
- Trending