MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang isang Kano ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng ‘di-pa kilalang lalaki sa bahagi ng Barangay Malabanas sa Angeles City, Pampanga kahapon ng tanghali.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Danilo Bautista , director ng Angeles City PNP, nadiskubre ang krimen matapos na harangin ng security guard na si Angelito Prado ng Hensonville Court Subdivision ang isang lalaki na may kahina-hinalang kilos habang papalabas sa gate ng nasabing subdivision na binabantayan nito dakong ala-1:30 ng hapon.
Nagduda ang guwardiya na noon lamang niya nakita kung saan marami itong bitbit kabilang ang sako na maraming nakasilid na gamit habang papalabas sa gate ng subdivision gayong wala itong dala nang pumasok sa gate.
Pansamantalang pinigil ni Prado ang nasabing lalaki sa gate habang tinungo naman ng sekyu ang pinanggalingan nitong bahay sa No.18 Manuela Street sa Hensonville Subdivision.
Gayon pa man, sinamantala ito ng suspek na mabilis na tumakas sakay ng traysikel na nagpahatid sa kanugnog barangay.
Dito na nadiskubre ang krimen kung saan kabilang sa mga nasawi ay dalawang lalaki at tatlong babae na sinasabing nirerentahan ng dayuhang si Albert Mitsell ang apartment.
Nabatid na ang suspek ay nakasuot ng puting t-shirt at maroon na 6-pocket short, may taas na 5’6, tinatayang nasa edad 30-anyos pataas, katamtaman ang pangangatawan at maputi ang kutis.
Pinaniniwalaan namang pagnanakaw ang motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon.