CAVITE, Philippines – Patay agad ang isang ginang na umano’y kilalang tulak ng droga sa kanilang lugar matapos na pagbabarilin ng hindi nakikilalang lalaki sa bayan ng Rosario ng lalawigang ito kamakalawa. Sa ulat ni P/Supt. Manuel Placido, hepe rito, kinilala ang biktima na si Elizabeth Ledesma alias “Macau”, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Sapa 2 ng bayang nabanggit habang mabilis namang tumakas ang suspek dala ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril na ginamit sa krimen. Sa imbestigasyon ng pulisya dakong ala-1 ng hapon habang nakaupo sa kanilang balkonahe ang biktima ay bigla na lamang itong nilapitan ng suspek at walang sabi-sabing binaril ng malapitan sa dibdib. Ang suspek ay mabilis na tumakas matapos ang insidente. Nabatid na kilalang tulak ang biktima na kasama sa drug watchlist at minsan na itong nahuli ngunit nakalaya ng magpiyansa.