ANGAT, Bulacan, Philippines – Limang kalalakihan na nagpapanggap na mga ahente ng Bureau of Immigration and Deportation na pinaniniwalaang mga kasapi ng isang sindikato na nambibiktima ng mga negosyanteng banyaga ang naaresto ng pulisya sa entrapment operation sa Brgy. San Roque sa bayang ito kahapon. Sa ulat na nakarating kay Provincial Director Sr. Supt. Fernando Villanueva, nakapiit na ang mga suspek na sina Vincent Granada, Edgar Allan Grande, Robert Romuar, Salvador at kapatid nitong si Manuel Mauyao; pawang sinampahan ng kasong kriminal. Ang mga suspek ay inaresto matapos ireklamo ng negosyanteng si Alvin Chua, residente sa lugar na nangingikil dito ng P100,000.00. Ang mga suspek ay nagpakita pa umano ng pekeng ID ng BI na agad nadakma sa entrapment operation dakong ala-1 ng hapon. Narekober sa mga suspek ang P3,500 marked money, mga pekeng Immigration Sheet, mga iba’t ibang I.D. ng mga dayuhang negosyante kabilang ang mga bumbay at intsik, Mitsubishi Adventure ( PLI-858 ), atbp.