Japayuki nasagip sa kidnapper, 4 arestado
PULILAN, Bulacan, Philippines – Nailigtas ng mga awtoridad ang isang Japayuki na may asawang mayamang Hapones kasunod ng pagkakaaresto sa apat na kidnapper sa operasyon sa Brgy. Sto. Cristo sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Provincial Director P/SSupt. Fernando Villanueva ang nasagip na ginang na si Susana Ishihara, 41, may-asawa, tubong Cebu City at residente ng Kashihawara, Hotaka, Japan. Arestado naman ang mga suspek na sina Evangeline Nishizawa 43, dalaga, tubong Valenzuela City, residente ng Kashiwahara Hotaka, Japan at matalik na kaibigan ng biktima, mga kasabwat nitong sina Jonathan Mateo 41, Ronald Fino, 37, may-asawa, kapwa mga residente ng Brgy. Sta. Rita, sa bayan ng Guiguinto at Perseus Cruz, 29, ng Brgy. Paltao sa bayan ng Pulilan.
Bandang alas-10:00 ng gabi ng makatanggap ng report ang pulisya hinggil sa pagdukot sa nasabing Japayuki.
Ayon sa report, lulan ang biktima ng isang Honda Civic ( UMW-570 ) galing ng Manila at pagsapit sa isang lugar sa Brgy. Sto. Cristo ay dinukot ng mga armadong suspek. Ang insidente ay inireport nina Mateo sa mga awtoridad pero sa imbestigasyon ay lumitaw na kasabwat ang mga ito sa kidnapping at si Nishizawa ang utak.
Sa isinagawang rescue operation ay natagpuan sa bahay ni Perseus Cruz sa Brgy. Paltao si Susana na nakatali ang mga kamay, may packaging tape ang bunganga habang nasa kabilang silid naman ang mastermind na kaibigan nitong isa ring Japayuki.
Narekober sa lugar ang isang replica ng cal. 9MM pistol, Php 50,000 piso, mga kagamitan ni Susana at isang ransom letter na humihingi ng P1.2M sa asawang Hapones ng biktima kapalit ng kalayaan nito.
- Latest
- Trending