BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Patay ang isang hepe ng pulisya na nakatalaga sa bayan ng Benito Soliven habang anim na iba pa na kinabibilangan ng isang militar ang malubhang nasugatan matapos silang tambangan ng hinihinalang New People’s Army (NPA) kahapon ng umaga.
Nakilala ang nasawing biktima na si Sr. Inspector Alfonso Derraco, hepe ng Benito Soliven PNP, habang ang kanyang mga kasamahan na nasa kritikal na kondisyon ay nakilalang sina SPO2 Rodolfo Marine, SPO2 Danilo Languido, PO3 Rogenito Sotelo, PO2 Nap Dagman, PO1 Alex Abalos at isang Sgt. Ramos mula sa Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines.
Napag-alaman na patungo sana ang grupo ni Derraco sa isang lugar sa nasabing bayan upang rumesponde kaugnay sa isang robbery nang tambangan sila ng tinatayang humigit kumulang sa 50 NPA sa Barangay Danipa, Benito Soliven dakong alas- 8:30 kahapon ng umaga.
Ayon sa intelligence report ng military, posibleng mga NPA ang tumambang sa hepe ng pulis at mga kasama nito.
Magugunita na kamakailan lamang ay nagsagawa din ng ambush ang mga NPA kung saan ay 7 militar ang napaslang sa Bontoc, Mt. Province.