7 sundalo patay sa ambush
MANILA, Philippines - Patay ang pitong sundalo makaraang tambangan ng mga armadong miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Sitio Chawer, Brgy. Samoki, Bontoc, Mountain Province nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang mga nasawing sundalo na sina 1st Lt. Lito Punio, Cpl. Cornelio Balmes, Pfc. Camilo Topinio, Pfc. Windel Gazzingan, Staff Sgt. Melchor Castro, Staff Sgt. Anthony Banugan at Pfc. James Tio-an. Ang bangkay ng mga ito ay pawang narekober na sa encounter site.
Sa report na tinanggap kahapon ni AFP-Northern Luzon Command Chief Major Gen. Gaudencio Pangilinan, bandang alas-11:50 ng umaga nang maganap ang pananambang sa nasabing lugar.
Kasalukuyang bumabagtas ang military vehicle ng 52nd Divison Reconnaissance Company ng Army’s 501st Infantry Brigade (IB) sa nasabing lugar nang tambangan ng mga armadong rebelde na nakaposisyon sa tabi ng highway.
Sa kabila ng higit na nakararami ang bilang ng mga kalaban ay lumaban hanggang sa mamatay ang mga kawal ng pamahalaan na galing sa Brgy. Tagubin kaugnay ng isasagawang pagbibigay seguridad para sa gaganaping medical mission sa Sabado sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Bontoc.
Nagawang matangay ng mga rebelde ang anim na baril ng mga sundalo ka bilang ang apat na M16 rifle na may M203 grenade launcher, isang M14 rifle, isang pares ng combat, isang radio Harris at mga magazine ng naturang mga armas.
Naglunsad na ang tropang gobyerno ng pagtugis laban sa grupo ng mga rebelde na responsable sa pananambang. (with Trainees Rafael Zapanta/ Mary Joy Mondero )
- Latest
- Trending