TRECE MARTIRES CITY, Philippines — Siniguro ni Cavite Gov. Juanito Victor “Jonvic” Remulla na itutuloy nito ang mga nasimulang programa sa kanilang lalawigan ni dating gobernador at ngayon ay Cavite 3rd Dist. Rep. Ayong Maliksi.
Ayon kay Gob. Remulla, nakahanda siyang ipagpatuloy ang mga programang nasimulan ng dating gobernador at nangakong sa kanyang termino ay bibigyang prayoridad ang serbisyo-publiko sa mga Kabitenyo.
Sa kanyang maikling talumpati, sinabi ni Gob. Remulla na nakahanda ang kanyang administrasyon na yakapin ang mga makabuluhang proyektong inilunsad ng dating gobernador.
Mapagkumbabang sinabi din niya na kung siya ay madadapa ay hihingi siya ng patnubay kay Maliksi upang siya ay makabangon.
“Inaasahan ko din po ang inyong tulong at suporta upang mas maging madali para sa atin na magampanan ang aking tungkulin bilang bagong gobernador ng lalawigan. Kailangan ko po ang inyong suporta sapagkat kayo ang pangunahing rason kung bakit kami nagtatagumpay” wika pa ni Remulla.