P10-milyong cocaine nasamsam sa Cavite

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Tiklo ang mag-asa­wang Samareño mata­pos makumpiskahan ng 2-kilong cocaine sa isina­ga­wang operation ng mga ta­ uhan ng Philippine Drug En­forcement Agency (PDEA) sa bayan ng Ba­coor, Cavite kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Chief Inspector Christopher Abra­jano, hepe ng PDEA Region 4-A ang mga suspek na sina Miguel at Empe­ratriz Montances, kapwa 57, tubong Samar at naka­tira sa Phase 2, San Rafael Villa, Barangay Habay, sa nabanggit na bayan.

Ayon sa report, na­aresto ang mag-asawa sa inilatag na buy-bust operation ng PDEA sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Barangay Niog bandang alas-10 ng gabi.

Sinasabing sinubukan pa ng mag-asawa na iligaw ng ilang beses ang mga tauhan ng PDEA sa pama­magitan ng pagpapalit ng lugar ng kanilang isasa­gawang bentahan ng ba­wal na droga.

Lumilitaw na nagka­sundo ang poseur-buyer ng PDEA at ang mag-asawa sa halagang P8-milyon cash kapalit ng dalawang kilong cocaine na sina­sabing nagmula pa sa South America lulan ng Chinese vessel kung saan itinapon sa Pacific Ocean nang makatunog na masi­sita sila sa bahagi ng Hong Kong hanggang sa mapad­pad sa laot ng Samar.

Pinaniniwalaang may mga kasabwat na promi­nenteng personalidad at ilang tiwaling pulis ang mag-asawa sa pagpapa­kalat ng bawal na droga.

Kasalukuyang nakapiit at sumasailalim sa imbesti­gasyon ang mag-asawa sa Camp Vicente Lim para harapin ang kasong pag­labag sa Republic Act 9165. Dagdag ulat ni Ed Amoroso

Show comments