BATANGAS, Philippines — Lima-katao ang kumpirmadong nasawi matapos magkarambola ang10-wheeler truck, kotse at pampasaherong jeepney sa kahabaan ng highway sa Lipa City, Batangas kamakalawa ng madaling-araw.
Kabilang sa mga namatay ay sina Norberto Vergara, 52; Jose Cuevas, 59, kapwa residente ng Barangay Quilo-Quilo, Lipa City; Candelaria Gutierrez, 50; Marilis Guerra, 45; at si Harold Reyes,16; pawang nakatira sa bayan ng Rosario, Batangas.
Sugatan naman sina Onopre Guerra, 45; at Ester Vergara, 32, na kapwa naisugod sa Mahal na Birheng Maria District Hospital at N.L.Villa Hospital.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director, nagpapalit ng flat tire ang driver at pahinante ng truck (UDW-472) sa kahabaan ng highway sa Barangay Pinagkawitan, Lipa City nang biglang sumalpok sa likuran nito ang kotseng Honda Civic (UKH-243) na lulan ang mga namatay na sina Vergara at Cuevas bandang alas-2 ng madaling-araw.
Kasunod nito, ilang saglit pa, ay bigla namang sumalpok ang pampasaherong jeepney (DXL-138) sa likod ng Honda Civic nang hindi mapansin ng driver na si Diony Virtusio ang nagbanggaang sasakyan sa kanyang harapan, na ikinamatay naman ng tatlong pasaherong sina Gutierrez, Guerra at Reyes.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang driver ng truck na si Alejandro Rivera at ang kanyang pahinante na nagsitakas matapos ang aksidente na sinasabing walang early warning device sa likuran ng truck habang nagpapalit ng flat tire.