Utak sa pagpatay sa brodkaster tinukoy
MANILA, Philippines - Tinukoy ng mga imbestigador ng pulisya na isang opisyal ng local na pamahalaan ang sinasabing mastermind sa pagpatay sa isang radio broadcaster sa Ilocos Norte noong Miyerkules ng gabi sa bahagi ng Barangay Barit sa Laoag City.
Pansamantalang hindi muna pinangalanan ni Ilocos Norte provincial director P/Senior Supt. Ulysses Abellera ang utak sa krimen subalit lumilitaw sa mga usap-usapan na isang alkalde ang nagbayad sa gunman para paslangin si Jovelito Agustin ng dzJC na madalas bumatikos sa mga ginagawang pandarambong ng opisyal.
“Job related since he is known as a hard-hitting broadcaster, and we are looking at a local politician as a probable suspect in the shooting to death of the victim,” pahayag pa ni Abellera.
Nabatid na nag-iipon pa ng mga ebidensya ang pulisya at kinakausap ang ilang testigo upang magsalita para madiin sa kaso ang mastermind.
Nauna nang itinuro ni Joseph Agustin, pamangkin ng radio broadcaster ang suspek na si Leonardo “Uno” Banaag Jr. ng Brgy. 7, Bacarra, Ilocos Norte ang bumaril at nakapatay sa kaniyang tiyuhin.
Sinabi ng opisyal na bahagyang naresolba na ang krimen dahil tukoy at kilala na ang gunman at ang ‘di-muna tinukoy na mastermind na kanilang tinutugis.
Sa tala, umabot na sa tatlo ang napapatay na mediamen sa Ilocos Norte mula noong 2004 kung saan naunang pinaslang sina Roger Mariano, at Andy Acosta na broadcaster din sa dzJC.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong murder at frustrated murder laban sa mga suspek na isasampa sa Ilocos Norte Prosecutors Office.
- Latest
- Trending