Police major itinumba
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Napaslang ang isang police major matapos pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa bahagi ng Tuguegarao City, Cagayan kamakalawa ng umaga.
Nakilala ang opisyal ng pulisya na si P/Chief Inspector Hector Balinuyus, hepe ng firearms and explosive division sa police regional office.
Batay sa police report, niratrat ang biktima dakong alas-11:30 ng umaga kamakalawa nang bumaba ito sa kanyang sasakyan sa gilid ng kalsada sa diversion road ng Tuguegarao City.
Agad naman na isinugod ang biktima sa Saint Paul Hospital, subalit binawian din ito ng buhay dahil sa tatlong tama ng bala sa katawan.
“We are still investigating the incident. We are having a case conference on the incident. We can’t give you details yet as to motives and suspects behind the killing,” pahayag ni P/Senior Supt. Albertlito Garcia, hepe ng regional police intelligence division.
Si Balinuyus ay naging hepe ng pulisya sa mga bayan ng Santa Ana, Solana at Lasam sa Cagayan.
Sa tala ng pulisya, si Balinuyus ang ikatlong pulis na pinaslang sa loob lamang ng isang linggo sa Cagayan Valley matapos ang pananambang kina P/Inspector Jelowie Antonio at PO3 Jaime Manaligod sa bayan ng Gamu, Isabela.
- Latest
- Trending