BATANGAS, Philippines — Sa kabila ng umiiral na Comelec gun ban sa bansa, lima-katao ang iniulat na napatay sa naganap na magkakahiwalay na karahasan noong Sabado.
Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, ang mga napaslang na mag-amang sina Luis Aguinaldo, 45 at Elmer Aguinaldo, 23, ng Barangay Abung, San Juan, Batangas; Bernardo Arevalo, 51, ng Alfonso, Cavite; Jay-ar Agoncillo, 21, ng Barangay Quiling, Talisay at Noel Caguimbal, 52, ng Barangay Aguila, San Jose, Batangas.
Ayon sa police report, patay ang mag-amang Aguinaldo nang pagbabarilin ng ‘di-pa kilalang lalaki sa baybayin ng Sitio Silangan, Barangay Abung, San Juan, Batangas. Sa bayan ng Tuy, Batangas, napatay naman ang negosyanteng si Bernardo Arevalo matapos barilin habang papalabas ng Mt. Batulao Cockpit Arena sa Barangay Luntal habang nakilala naman ang suspek na si Jomarh Potentado kung saan nasugatan matapos mabaril ng mga pulis at ginagamot sa Batangas Regional Hospital.
Nabaril naman si Agoncillo habang sakay nang owner-type jeep (DLX-532) at bibili sana ng ice cream sa Jeremy Ice Plant sa Adis St. , Tapia Subd., Brgy. Pob. 6, Tanauan City. Sa bayan ng San Jose, napatay naman si Noel Caguimbal matapos pagbabarilin habang nakaupo sa motorsiklo at nag-aantay sa kanyang misis na si Eusebia sa Barangay Aguila.