Gunrunner, huli sa entrapment
KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City , Philippines — Arestado sa isinagawang entrapment operation ng pulisya ang isang 39 anyos na lalaki na pinaniniwalaang nagpapakalat ng mga iligal na baril sa isang lugar sa Brgy.San Pedro sa bayan ng Bustos kamakalawa ng gabi.
Personal na inaresto ni PC/Insp.Julius Caesar Mana ng CIDG-Bulacan ang suspek na si Enrico De Gracia, walang trabaho at residente ng naturang lugar makaraang ibigay ang mga inaalok na mga baril sa mga operatiba.
Base sa imbestigasyon dakong alas-9:00 ng gabi ay nakipagkita ang suspek sa mga operatiba sa isang lugar sa Barangay San Pedro upang iaalok ang baril na umano’y kanyang pag-aari na isang Armscor Shotgun na may pitong bala, isang Llama 9mm pistol na may 15 bala at magazine at isang cal. 38 revolver na paltik na may anim na bala.
Nagtagal ng ilang sandali ang negosasyon sa pagbili ng mga baril sa halagang P17,000 at nang magkasundo ay agad na hinanapan ni Mana ng lisensya si De Gracia sa mga inaalok na mga gamit at ng walang maipakita ay dito na nagpakilala ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at nasamsam din ang mga iligal na baril.
Nahaharap sa kasong P.D.1866 as ammended by R.A. 9156 at Omnibus Election Code si De Gracia na kasalukuyang nakadetine sa piitan ng CIDG sa Malolos City habang inaalam pa rin kung kasapi ng isang sindikato ang suspek. Boy Cruz
- Latest
- Trending














