BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Dalawang laborer ng PBO Construction sa Halsema Highway sa Mt. Province ang pinatay matapos na holdapin ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Edmund Rivera, 34, driver at Ben Balasi, 41, heavy equipment operator, kapwa residente ng Tabuk Kalinga.
Ayon kay Sr. Supt. Fortunato Albas, Mt. Province police provincial director, sina Rivera at Balasi ay kapwa empleyado ng PBO Construction na namamahala sa rehabilitasyon ng P1.2 billion Bontoc-Kalinga national road na bahagi ng Halsema Highway na kasalukuyang pangunahing proyekto ng gobyerno.
Dakong alas-10:00 kamakalawa ng gabi naganap ang insidente habang naglalakad pauwi ang mga biktima sa kanilang quarters nang sundan sila umano ng mga suspek at pagbabarilin sa magubat na bahagi ng sitio Tabrak, Barangay Anabel, Sadanga Mt. Province.
Ayon pa kay Albas, ilan sa mga katrabaho umano ng mga biktima ang nakarinig sa magkakasunod na putok ng baril subalit hindi umano nila ito pinansin sa pag-aakala na ang mga putok ay galing sa tropa ng militar na nasa nasasakupan ng lugar.
Nadiskubre na lamang ang mga bangkay ng dalawang biktima na may mga tama ng bala ng baril sa bawat ulo at dibdib.
Nakuha ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang walong basyo ng M16 rifle at bahagi ng bungo ng mga biktima. Nawawala din ang mga wallet at mahahalagang gamit ng mga biktima.