MANILA, Philippines - Dahil sa mga bantang paghahasik ng kaguluhan ng mga armadong grupo, ikakalat ang PNP trainees upang gamiting Board of Election Inspectors (BEIs) sa gaganaping special elections sa pitong bayan ng Lanao del Sur sa Hunyo 3.
Ito’y bunsod na rin sa pagtanggi ng mga guro na maging BEI’s sa mga polling center bunga ng matinding takot sa panghaharass ng mga armadong grupo partikular na ang Moro Islamic Liberation Front rogue elements at ang mga partisan armed group ng mga pulitiko.
Bukod sa Lanao del Sur, kabilang pa sa mga lalawigang isinailalim sa special elections ng Comelec ay ang Basilan; Glan, Sarangani, Iloilo at Samar.
Kabilang sa mga bayang pagdarausan ng special election sa Lanao del Sur ay ang Sultan Domalondong, Lumba Bayabao, Masiu, Tubaran, Lumbaca Unayan, Marogong at Baying. Nabatid na sasanayin ang mga PNP trainees sa mga precinct count optical scan machine at malaking bagay rin ito lalo na sa mga lugar na kulang o walang mga gurong BEI’s.
“Now per Comelec resolution were also going to field PNP trainees from Regions 10, 11, 12 who shall be utilized as members of the special Board of Election Inspectors hence these trainees shall be made to undergo trainings on the operations of PCOs machine,” dagdag pa ni PNP spokesman P/Chief Supt. Leonardo Espina.
Idinagdag pa nito na sakali mang magkaroon ng kaguluhan ay may sapat na kasanayan ang mga PNP trainees para magbigay seguridad.