MANILA, Philippines - Pinagkalooban kahapon ng Philippine National Police (PNP) ng reward ang isang masuwerteng tipster na nagturo sa pinagtataguan ng isang wanted na kidnapper na naaresto kamaka ilan sa operasyon sa JP Rizal St., Bato, Leyte.
Iniabot nina PNP Director General Jesus Verzosa, Sr. Supt. Benjamin Estipona, Deputy Director ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) Chief Sr. Supt. Isagani Nerez ang P300,000.00 reward sa masuwerteng tipster. Hindi tinukoy ang pangalan ng tipster para na rin sa seguridad nito at ng kaniyang pamilya.
Sinabi ni Verzosa na ang naturang tipster ang nagbigay ng impormasyon kaya nabitag ng batas si Mariano de Leon alyas Spider, pangunahing suspect sa pagdukot at pagpatay sa retiradong piloto na si Demosthenes Canete at driver nitong si Allan Garay. Ang dalawang biktima ay dinukot noong Hunyo 27, 2008 sa Dasmariñas, Cavite kung saan ang bangkay ni Garay ay natagpuang itinapon sa Barangay. Lawang Bato, Valenzuela City. Samantalang ang bangkay naman ni Canete ay nakuha sa Mega Dike area sa Brgy. Calsadang Bayan sa Porac, Pampanga noong Hulyo 2, 2008.