P5.4M cocaine nasamsam
ZAMBALES, Philippines — Tinatayang aabot sa P5.4 milyong halaga ng cocaine ang nasamsam matapos na magsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa bisinidad ng Barangay Pundaguit sa bayan ng San Antonio, Zambales noong Lunes.
Ayon kay P/Supt. Baltazar Mamaril, spokesman ng Central Luzon PNP, ang 1.1 kilong cocaine na nakalagay sa plastic container ay nasagip ng mga mangingisda sa karagatan ng Mindoro-Manila Bay-Bataan-Zambales. Nabatid na ibinaon ng mga mangingisda ang 1.1 kilong cocaine sa paanan ng bundok sa nabanggit na barangay, katabi ng punong kahoy na may plastic bottle sa ibabaw.
Agad naman ipinag-utos ni P/Chief Supt. Arturo Cacdac, direktor ng pulisya sa Central Luzon ang operasyon kung saan nahukay sa bisinidad ng beach ang malaking plastic bag na may dalawang plastic pouch na naglalaman ng puting pulbos.
Nakumpirma namang co caine hydrochloride ang droga matapos ang eksaminasyon ng Central Luzon Crime Laboratory sa Camp Olivas sa San Fernando City, Pampanga. Randy Datu at Dino Balabo
- Latest
- Trending