Mayor, 4 alalay laya sa P3-milyong ransom
MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga rebeldeng New People’s Army ang dinukot na alkalde at apat na security escorts kahapon ng madaling-araw sa bisinidad ng Sitio Pamian, Barangay Bogac, sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur.
Kabilang sa mga pinalaya ay sina Lingig Mayor Roberto “Jimmy” Luna Jr., Pfc Johnrey Abao, Pfc Arnel Dizon na nakatalaga sa Army’s 58th Infantry Battalion; PO2 Jose de Castro at PO2 Alan Dapitnapon.
Kaugnay nito, inihayag ni Major General Mario Chan, commander ng Army’s 4th Infantry Division, nakatanggap sila ng impormasyon na humingi ng P3 milyong ransom at mga baril ang mga rebelde kapalit ng pagpapalaya sa mga biktima.
Pormal namang kakasuhan ang grupo ng mga rebeldeng responsable sa pagbihag sa mga biktima noong Mayo 5 sa hangganan ng Trento, Agusan del Sur at Monkayo, Compostela Valley.
Kasunod nito, kinalampag din ang NPA na palayain na ang tatlo pang sundalo at isang Cafgu na dinukot sa Mawab, Compostela Valley noong Mayo 12.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang search and rescue operations sa mga bihag na sina Corporals Marcial Bawagan, Ariel Asumo, Eduardo Alcala at ang Cafgu na si Victor Pitogo.
- Latest
- Trending