Mag-asawa, 2 anak dinukot ng MILF

MANILA, Philippines - Binalot ng tensiyon ang maliit na komunidad ma­karaang dukutin ang mag-asawa at dalawang anak nito sa panibagong pagha­hasik ng karahasan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) rouge elements na kaalyansa ng maim­plu­wensyang angkan sa ba­yan ng Lebak, Sultan Kudarat kamakalawa.

Nagsasagawa na ng rescue operation ang mga awtoridad para mailigtas ang mag-asawang Francis­co Javier, 30; Joy Javier, 26; at dalawang anak na sina Imbok, 4; at Francisco, 2. Sa police report na na­karating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Sitio Kolomono, Brgy. Villa­monte kung saan lumusob ang armadong grupo ng MILF rogue elements na pinamumunuan ni Commander Tammy Maliga.

Ayon sa ulat, ang grupo ni Maliga ay may alyansa sa angkan ni dating Ma­guindanao Governor Andal Ampatuan na kabilang sa itinuturong mastermind sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57-katao ka­bilang ang 32 mediamen noong Nobyembre 23, 2009.

Pinaniniwalaang gina­mit na human shield ng grupo ni Maliga ang pa­milya Javier sa pagtakas laban sa tumutugis na tropa ng military.

Tinangay din ng mga re­belde ang dalawang ala­gang baka at walong kam­bing ng mga residente.

Tumakas ang mga re­belde patungo sa direks­yon ng Sitio Kasam, Brgy. San Jose, South Upi.

Show comments