Gubernatorial bet ng LP suportado ng INC
GENERAL TRIAS, Cavite, Philippines — Nakalalamang ang panalo ni Vice Governor Dencito “Osboy” Campaña na pambato ng Liberal Party bilang gubernatorial candidate sa Cavite sa May 10 eleksyon matapos lumabas ang resulta ng survey kung saan pinakamalaking porsyento ang nakuha kumpara sa kanyang kalaban na si ex-Vice Governor Bise Jonvic Remulla ng Partido Magdalo.
Inilabas din ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang pinal na desisyon pabor kay Campaña na nakadagdag pa sa bilang na siguradong boto.
Isinagawa ng Storm Poltek Consultants ang survey mula Abril16 hanggang 20 kung saan 4,000 Kabitenyo ang tinanong kung sino ang kanilang iboboto sa pagka-gobernador.
Lumilitaw na 44.84% ang pumili kay Campaña samantalang 35.92% ang pumanig kay Remulla.
Sa grand rally na ginanap sa bayan ng Gen. Trias, nagpasalamat si Campaña sa pamunuan ng INC at sa kanyang mga tagasuporta sa tulong na kanilang ibinibigay simula pa ng kampanya.
Nangako siyang hindi bibiguin ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng legasiyang iiwan ng kanyang nangungunang tagasuporta at tagapayo sa pulitiko na si Governor Ayong Maliksi.
Samantala, nakatitiyak din ng solidong boto sa Cavite ang pambato ng Liberal Party sa pagka-Pangulo na si Senador Noynoy Aquino. Sa parehong survey, nagtala ng malaking lamang sa boto si Aquino na nakakuha ng 45.63%.
Pumangalawa si Erap na may 23.89%. Si Sen. Manny Villar ng Nacionalista Party ay pumangatlo lamang sa 13.34% habang sina Gibo, Bro. Eddie at Gordon ay nakakuha ng 8.76%, 3.86% at 2.3% sa survey.
- Latest
- Trending