MANILA, Philippines - Tatlong notoryus na miyembro ng kidnap-for-ransom gang ang napaslang kasunod ng pagkakaligtas sa dinukot na Fil-Am sa isinagawang rescue operation ng mga tauhan ng Police Anti Crime Emergency Response (PACER) at ng mga sundalo sa bahagi ng Tagaytay City, Cavite kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PACER Chief P/S. Supt. Isagani Nerez kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa, kinilala ang nailigtas na biktima na si Salvacion Gamba Gorenflo, 39.
Si Gorenflo ay nasagip ng PACER at AFP Joint-Special Operations Group sa hideout ng mga kidnaper sa Filipinas Farm sa Brgy. Iruhin, Tagaytay City dakong alas-3 ng madaling-araw.
Isa sa tatlong napatay ay nakilalang si Alex Espanola ng Novaliches, Quezon City.
Nasamsam sa mga napatay na kidnaper ay tatlong baril kabilang na ang Ingram machine pistol, Mitsubishi Lancer (PKL 306) at sari-saring celpon.
Nabatid na si Gorenflo ay dinukot noong Abril 11 sa Brgy. Bukal, Dasmarinas, Cavite kung saan nauna na ring humingi ang mga kidnaper ng US$ 1 milyong ransom sa pamilya ng biktima na nasa Estados Unidos.
Walang naibayad na ransom ang pamilya ng biktima matapos na matunton ng mga awtoridad ang pinagkukutaan ng mga kidnaper.
Nai-turnover na sa US Embassy si Gorenflo habang patuloy ang pagtugis sa iba pang suspek. Cristina Timbang, Joy Cantos at Arnell Ozaeta