MANILA, Philippines - Napatay ang mag-asawa habang nasugatan naman ang dalawa nitong anak makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Barangay San Miguel sa bayan ng Oas, Albay.
Kinilala ang mag-asawa na sina Ronald Marco Adonis, 31 at Rochele Tupasi, 32. Isinugod naman sa Josefina Duran Memorial Hospital sa Ligao City ang mga sugatang anak na sina Roderic at Ronald Jr.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang pumasok sa bahay ng mga biktima ang ilang armadong kalalakihan at isinagawa ang pamamaslang.