BATANGAS, Philippines — Pormal nang ipinahayag ni Sto. Tomas mayor at biyuda ni ex-Governor Arman Sanchez ang kanyang pagtakbo bilang gobernador ng Batangas kapalit ng kanyang pumanaw na asawa.
Sa ginanap na maigsing press conference sa lamay mismo ni ex-Governor Sanchez, hiniling nito ang suporta ng mga Batangueño na tulungan siyang ipagpatuloy ang naiwang laban ng nasirang ama ng lalawigan.
“Hindi ko akalain na papalit ako sa aking asawa, mahirap ang desisyon na ito kasi iiwan ko ang mga kababayan ko sa Sto. Tomas, alam kong magtatampo sila sa akin,” ani Mayor Sanchez.
Si Mrs. Sanchez, na nakatakda sanang tumakbong re-electionist bilang mayor ng Santo Tomas, ay kinumbinsi ng kanilang partidong Nacionalista kabilang na ang lokal na koalisyon ng Lakas-Kampi-CMD at NPC na tumakbo bilang gobernador kapalit si ex-Governor Sanchez.
Si Sanchez ay pumanaw sa edad na 57 noong Martes sanhi ng brain hemorrhage matapos itong mawalan ng malay-tao dahil sa over fatigue, heat stroke, hypoglycaemia at severe hypertension.
Bagamat may mga usaping legalidad sa Comelec, malaki naman ang paniniwala ng mga abogado ni Mrs Sanchez na mareresolba ang usaping substitution sa pamamagitan ng Comelec EnBanc at kung kinakailangan ay sa Supreme Court.
Samantala, hindi naman nabahala ang kampo ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto sa panibagong takbo ng pulitika sa kanyang lalawigan.
“Inirerespeto ko ang hakbang nina Mrs Sanchez pero naawa din ako sa kanya dahil may mga taong gusto lang siyang gamitin para sa kanilang personal na kapakinabangan,” ani Gov Vi.
“Bigyan naman nila ng panahong magluksa si Mayora Sanchez, sana maging tama ang desisyon n’ya at huwag makinig sa mga sulsol ng mga nakapaligid sa kanya,” pahayag ni Gov Vi.
Una nang inihinto ni Governor Vi ang kanyang pangangampanya bilang pakikiramay sa pamilyang Sanchez. “Pero kung tatapatan nila ako, iikot na uli ako para harapin ko ang aking mga kababayan na nag-aantay sa akin,” dagdag ni Gov. Vi.
“Nasa kamay na ng mga Batangueño ang desisyon dahil pagkatapos ng lahat ng ito balik na tayo sa realidad ng buhay” pagtatapos ni Governor Vi.