Avilon Zoo magsasara
RIZAL , Philippines – Nangangamba ang mga residente ng Rodriguez at may-ari ng sikat na Avilon Zoo na maaari na itong magsara dahil sa patuloy na pagkaltas ng lokal na pamahalaan sa “entrance fee” ng mga bumibisita dito bukod pa sa paniningil ng “amusement tax”. Sa pahayag ng mag-asawang Jake at Tina Gaw, may-ari ng walong ektaryang zoo, apat na taon umano silang niligawan ni suspended Mayor Pedro Cuerpo para buksan sa publiko ang kanilang zoo na naglalaman ng iba’t ibang endangered na mga hayop kung saan marami sa mga ito ay mga kakaiba at sa Avilon Zoological Park lamang makikita. Isa umano sa pangako ni Cuerpo ang eksempsyon sa zoo sa “amusement tax” at pagpapagawa ng maayos na kalsada patungo sa zoo para sa publiko. Ngunit makaraang mabuksan at makilala ang Rodriguez sa turismo dulot ng zoo ay tila nakalimutan na ni Cuerpo ang kanyang pangako at sa halip ay tinapyasan ng P20 ang P300 na entrance fee ng bawat pumapasok dito. Pinagpapaliwanag din nila si Rodriguez Councilor Aileen Quien na siyang namumuno sa Committee on Environment sa bayan kung saan napupunta ang ibinabayad nilang “amusement tax” sa lokal na pamahalaan gayong hindi mapagawa ang lubak-lubak na kalsada.
- Latest
- Trending