CAMARINES NORTE, Philippines – Nagwakas ang apat na taong pagtatago ng dalawang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang pulis makaraang masakote sa isinagawang operasyon sa bahagi ng Sitio Laog, Barangay Butawanan sa bayan ng Siruma, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Leo Intia ng Daet Regional Trial Court Branch 38, pinangunahan ni P/Senior Insp. Rogielyn Calandria at PO3 Vener Nagera ang pag-aresto sa suspek na si Domingo Tatad, 33; samantala, sumuko naman si Rizaldy Butial 38.
Nabatid na nagpanggap na mag-asawa at bakasyunista sina Calandria at Nagera makaraang makatanggap ng impormasyon na nagtatago ang dalawa sa nabanggit na barangay.
Humanga naman si P/Supt. Domingo Mendaza sa tapang ni Calandria na sa kabila ng halos 4-oras na pagtawid sa kabilang isla, pi namunuan pa nito ang operasyon.
Sa record ng pulisya, si SPO1 Edgar Mabeza 37, ay pinagtulungang pagsasaksakin ng dalawang suspek sa likurang bahagi ng munisipyo noong March 14, 2006 ng madaling-araw, ilang metro lamang ang layo sa police station.