Pastor, 2 pa itinumba

MANILA, Philippines – Tatlo-katao kabilang ang isang pastor at anak nito ang nasawi habang nasa kritikal na kondisyon ang misis nito makaraang tambangan ng mga maska­radong kalalakihan sa liblib na lugar sa bayan ng Ba­guilin, La Union kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Pastor Herminio Estacio, 51, ng Life Interfaith Church; anak nitong si Glenn, 21, at isang kasa­ma­han sa pananampala­taya na si Elizabeth Laongan, 17.

Sa ulat ni P/Supt. Noli Talino na nakarating sa Camp Crame, sina Pastor Herminio at Glenn gayun­din si Elizabeth ay namatay habang ginagamot sa Naguilian District Hospital.

Patuloy namang isina­sal­ba ang misis ng pastor na si Raquel Estacio na nasa San Fernando City Hospital.

Naganap ang pana­nam­bang sa bahagi ng highway ng Brgy. Suyo, Baguilin dakong alas-7:30 ng umaga.

Nabatid na lulan ang mga biktima ng pick-up nang biglang pagbabarilin ng mga armadong kalala­kihan na nakasuot ng bonnet.

Samantala, isa sa mga anggulo na sinusundan ng pulisya ay ang negatibong komento ng pastor sa isang hindi muna tinukoy na pulitiko na binira nito sa sermon may ilang linggo na ang nakalipas.

Show comments