Lola sinunog nang buhay

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na ka­matayan ang sinapit ng isang 70-anyos na lola matapos na pagnakawan ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan ay sinilaban pa nang buhay sa loob ng tahanan nito sa bayan ng Badian, Cebu, ayon sa ulat kahapon.

Sa naantalang ulat na nakarating sa Camp Cra­me, ang nagmistulang uling na bangkay ay naki­la­lang si Masing Auditor ay nadiskubre noong Huwe­bes ng umaga ng isa nitong kamag-anak.

Ayon sa mga imbes­tigador, pinaniniwalaan namang ang brutal na kri­men ay naganap noon pang Miyerkules ng gabi sa Sitio Law-ang, Brgy. Tigbao matapos na pag­nakawan ang matanda.

Bago ito ay nagbenta pa ng kaniyang kalabaw ang biktima na ayon sa mga kamag-anak ay siyang pinag-interesan ng mga magnanakaw.

Samantala, may posibi­lidad na kilala mismo ng matanda ang mga magna­nakaw kaya sinilaban ito nang buhay.

Tumanggi naman ang pamilya na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng matanda.

Inaalam pa ng mga aw­toridad kung may na­ganap na foul play habang pa­tuloy ang imbestigasyon upang bigyang hustisya ang sina­pit ng matanda.

Show comments