BATANGAS, Philippines – Kulungan ang binagsakan ng isang public market official matapos maaresto ng pulisya dahil sa pagpapaputok ng baril sa campaign rally sa bayan ng San Juan, Batangas kamakalawa ng gabi.
Pormal namang kakasuhan base sa Comelec gun ban si James Marquez, 59, ng Barangay Palahanan 2nd, San Juan, Batangas at public market administrator sa nabanggit na bayan.
Sa report na nakarating kay P/Senior Supt. Alberto Supapo, umaalalay si Marquez bilang security ni San Juan Mayor Danilo Mindanao sa campaign rally sa Barangay Palahanan 2nd nang magpaputok ito ng baril bandang alas-7:30 ng gabi
Kaagad namang inaresto si Marquez sa pangunguna ni SPO4 Roberto Canuel saka kinumpiska ang hawak na baril.
Sa panayam ng PS Ngayon sa imbestigador, natuwa lang daw si Marquez na lango sa alak sa pagdalaw ni Mayor Mindanao sa kanilang barangay kaya nakapagpaputok ng baril sa ere. Arnell Ozaeta