Kinidnap na Swiso namimiligro
MANILA, Philippines - Dumaranas ng malubhang karamdaman ang negosyanteng Swiss Filipino na kinidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front noong Abril 4 sa Zamboanga City.
Ito ang ibinulgar kahapon ni Zamboanga City Mayor Celso Lobregat, pinuno ng binuong Crisis Management Committee sa pagdukot kay Charlie Rieth, 72.
Kasabay nito, nakiusap si Lobregat sa mga kidnaper na palayain si Rieth dahil posibleng mameligro ang buhay ng nasabing dayuhang negosyante.
Sa phone interview, sinabi ni Lobregat na dumaranas ng sakit na vertigo si Reith bukod pa sa hypertension, sakit sa puso, lalamunan at diabetes kung saan mahina ang kondisyon ng katawan ng matandang bihag.
Kaugnay nito, inihayag naman ng hepe ng AFP Public Affairs Office na si Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na mahigit na 500 sundalo ang naatasang tumugis sa mga kidnaper ni Reith.
Ayon kay Burgos, naglatag na rin ng mga checkpoint maliban sa Task Force Zamboanga ay minobilisa na rin ang Army’s 18th Infantry Battalion at Special Forces upang magsagawa ng search and rescue operations.
Si Reith ay dinukot ng mga armadong kalalakihan na nakasuot ng fatigue uniform ng militar at uniporme ng pulisya habang nakatakas naman ang kaibigan nitong Aleman na si Carl Reithling sa naganap na insidente sa Brgy. Patalon sa Zamboanga City noong Abril 4.
- Latest
- Trending