Mga susunod na mayor kawawa: Rodriguez lubog sa pagkakautang
RIZAL , Philippines – Umaabot sa P300 milyong pagkakautang sa iba’t ibang banko ang sinasabing mamanahin ng mga susunod na alkalde ng bayan ng Rodriguez matapos na matuklasan ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal ang mga dokumento nito.
Base sa dokumentong isinumite ng Rodriguez Municipal Hall, aabot sa 12 taon bago mabayaran ng mga susunod na alkalde ng nabanggit na bayan.
Ito ang pinaniniwalaang ipamamana ng suspendidong si Mayor Pedro Cuerpo hindi naman mabatid kung saan napunta ang napakalaking pagkakautang ng munisipyo.
Nabatid sa dokumento na pinakahuling umutang ng P175 milyon ang munisipyo ng Rodriguez bukod pa sa naunang P77 milyong utang na payable sa loob ng 20-taon.
Ayon pa sa ulat, awtomatikong kinakaltas ng bangko (loan institution) ang bayad kada taon mula sa tinatanggap na Internal Revenue Allotment (IRA) sa nasyunal na pamahalaan.
Nangangahulugan na hindi matatanggap ng buo ng bayan ng Rodriguez ang IRA kaya apektado ang pag-unlad nito dahil sa kakapusan sa pondo.
Taliwas ito sa kalagayan ng lalawigan ng Rizal kung saan walang utang sa banko at binigyang papuri pa ng ilang ahensiya para sa mahusay na fiscal management. Danilo Garcia
- Latest
- Trending