Nang-agaw ng baril sa pulis, todas
CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Kamatayan ang sumalubong sa isang lalaki na pinaniniwalaang sangkot sa pagpatay ng barangay captain makaraang mabaril dahil sa pang-aagaw ng baril sa umaarestong pulis sa bisinidad ng Barangay San Antonio sa Biñan, Laguna kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director ang suspek na si Rosano “Nacio” Capunitan ng Barangay Malaban, Biñan, Laguna.
Ayon sa ulat, nagpapatrolya ang pulisya nang mamataan si Capunitan na nakatayo sa harap ng convenience store na may nakasukbit na baril sa beywang bandang alas-5:30 ng umaga.
Nang sitahin at dadalhin na ng mga pulis si Capunitan sa presinto, bigla na lang nang-agaw ng M16 Armalite rifle mula kay PO1 Glecerio Cruzen.
Habang nag-aagawan ng baril malapit sa gate ng police station, aksidenteng nakalabit ni PO1 Cruzen ang gatilyo ng Armalite rifle at tinamaan si Capunitan.
Batay sa tala ng pulisya, si Capunitan ay itinuturong nakapatay kay Chairman Eric Jimenez ng Barangay San Antonio noong nakalipas na linggo.
Si Jimenez ay kilalang kumakalaban sa mga drug pusher sa kanyang lugar kung saan si Capunitan ay miyembro ng sindikato ng droga, carnapping at robbery hold-up gang na nag-ooperate sa Biñan at karatig bayan. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending