Barilan sa proclamation rally: Bodyguard ng mayor dedo, 4 pa sugatan
BATANGAS CITY, Batangas —Karahasan ang bumulaga sa kalagitnaan ng proclamation rally ng mga lokal na kandidato makaraang pagbabarilin at mapatay ang alalay ng alkalde kung saan ikinasugat ng apat na sibilyan sa bayan ng Calatagan, Batangas kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa ulo at katawan si Valentino Taguibao, 43, ng Barangay Talisay sa nabanggit na bayan at close-in bodyguard ni Calatagan Mayor Sophia Palacio.
Sugatan naman sina Ernesto Delos Reyes, 59, ng Barangay Biga at campaign manager ni Mayor Palacio; Adrian Custodio,10; Nean Basit, 8; at si Princess Custodio,12.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director, lumilitaw na nagsasagawa ng proclamation rally ang grupo ni Mayor Palacio sa basketball court sa Barangay Balibago nang maganap ang pamamaril bandang alas-9 ng gabi.
Naisugod naman sa Madonna Hospital sa bayan ng Balayan ang mga sugatan matapos tamaan ng ligaw ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Maliwanag na pulitika ang nakikitang dahilan ng pamamaril kung saan patuloy ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending