CAVITE , Philippines — Binurdahan ng saksak sa katawan ang isang dispatcher na naging sanhi ng kanyang kamatayan makaraang makipagtalo sa isang bus driver, kamakalawa ng umaga sa Brgy. Mabolo I, Bacoor ng lalawigang ito.
Ang biktima ay nakilalang si Lauro Jamandre, 32 , dispatcher/barker at residente ng Brgy. Pulborista, Binakayan, Kawit ng lalawigan ding ito. Mabilis namang nakatakas ang suspek na nakilalang si Jaime Olingay alyas Jimmy, driver ng mini bus at nakatira sa Mayamaya St. Brgy. Dalahican, Cavite City.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Ivan Rey Legaspi at PO2 Michael Legaspi Jr., bandang alas-8:00 ng umaga ng magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek hinggil sa ibinibigay na taripa.
Agad na nag-init ang ulo ng suspek, kinuha nito ang patalim at bumaba ng kanyang minamanehong sasakyan bago sunud -sunod na inundayan ng saksak ang biktima.
Matapos ang ginawang pananaksak ay mabilis na pinatakbo ng suspek ang minamanehong mini bus na may plakang DWH-415 papalayo sa lugar ng pinangyarihan. Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya at nagsasagawa ang mga ito ng manhunt operation upang madakip ang suspek. Cristina Go-Timbang