BATAAN, Philippines— Isinusulong ngayon ng mga residente na mga bago at batang lider ang kailangang maglingkod sa bayan para lalong mapaunlad at mabago ang kani-kanilang pamumuhay sa Bataan.
Ang sumisidhing hangarin at panawagan ay umusbong dahil sa sermon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani kaugnay sa mga politiko na sinasabing namimili ng boto para sa May 10 elections.
“Naniniwala kami sa pangaral ni Bishop Bacani pero kung nabibili ang boto at handa namang magbayad ang mga pulitiko, mahirap mapatigil yan. ‘Yun lang na may matatag na prinsipyo ang aayaw sa pera ng kandidato na namimili ng boto sa halagang P1,000 hanggang P2,500 bawat botante,” pahayag ng mga residente sa Balanga City. “Kapag hinayaan pang manaig ang sinasabing naghaharing political dynasty sa Bataan sa May polls, lalong titibay ang pagkakasakal sa Bataan,” pahiwatig naman ng isang mamamayan sa nabanggit na lungsod.
Pinaniniwalaang tinutukoy ng mga residente ay ang angkan ng mga Garcia na kakandidato sa May 10 polls. Base sa tala, si Mayor Joet Garcia III ay muling kakandidato sa mayoralty race sa Balanga City habang ang utol na si Albert Raymond “Abet” ay muling tatakbo sa congressional race sa 2nd district at si Gila Garcia ay congressional bet naman sa 1st district.
“Pumili at iboto natin ang mga batang lider para palitan na ang sinasabing makapangyarihang political dynasty na matagal na ring naghaharing-uri sa Bataan,” pahayag ng mga lider-politikal.