Mag-asawa, maid todas sa sunogÂ
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang matanda at kasambahay nila makaraang makulong sa nasusunog na bahay sa Barangay Guadalupe, Cebu City, Cebu kahapon ng umaga.
Bandang alas-5 ng umaga nang matagpuang patay ang mag-asawang sina Atty. Manuel Pastrana, 70; Norma Pastrana at kasambahay na nakilala lamang sa pangalang Joy.
Nakaligtas naman sa sunog si Court of Appeals Associate Justice Manuel Barrios at anak nitong si Atty. Manuel Isidro Rosauro Antonio Barrios.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang ala-una ng madaling-araw nang magsimula ang apoy na tumagal ng 12 minuto sa bahay ng mag-asawa sa Calderon compound sa nabanggit na barangay.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng mga tauhan ni F/Chief Ismael Codilla, nagsimula ang apoy sa living room kung saan natagpuan ang bangkay ng tatlo dakong alas-5 ng umaga matapos maapula ang sunog.
Nabatid na may sakit ang mag-asawa na pinaniniwalaang hindi kaagad nakalabas kasama ang kanilang kasambahay.
Tinatayang aabot sa P1 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.
- Latest
- Trending