11 sundalo dedo sa NPA rebs
MANILA, Philippines - Aabot sa labing-isang sundalo ang iniulat na nasawi habang pitong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang makasagupa ang mga rebeldeng New People’s Army kahapon ng umaga sa liblib na bahagi ng Brgy. Panaytayan, sa bayan ng Mansalay, Oriental Mindoro.
Sa phone interview, sinabi ni Col. Noel “Toods “ Detoyato, spokesman ng Army’s 2nd Infantry Brigade, na naganap ang madugong bakbakan sa Sitio Mahilig, bandang alas-5:30 ng umaga.
Kasalukuyang nasa combat operations ang tropa ng 23rd Division Recoinnassance Company ng 2nd Infantry Division sa pamumuno ni 1st Lt. Ronnie Sipsip nang sumiklab ang bakbakan sa loob ng tatlong oras.
“The operation is part of our area security in line with the incoming start of the campaign period for the local officials. The security patrol and the relocation of troops is being implemented to ensure freedom of movement of the candidates when the campaign starts,” ani Detoyato.
Gayundin, upang hindi magbayad ng permit-to-campaign (PTC’s) at permit-to-win (PTW’s) ang mga kandidato sa mga rebelde kaya’t nagsasagawa sila ng opensiba laban sa mga kotongerong rebelde na nagsasamantala sa campaign period.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang pitong sundalo na nasugatan kung saan nagsiatras naman ang mga rebelde na bitbit ang mga nalagas at nasugatang kasamahan sa takot na maabutan ng reinforcement troops ng militar.
Patuloy naman ang hot pursuit operations laban sa mga nagsitakas na rebelde.
- Latest
- Trending