Inhinyero dinedo dahil sa proyekto
BULACAN , Philippines – Matinding selos at panibugho ang sinasabing motibo kaya binaril at napatay ang isang 43-anyos na inhinyero ng kanyang kabaro at dalawang iba pa sa Brgy. Dulong Bayan, San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa ulo si Engr. Raul Parayno, 43, project engineer ng Villa Annapolis Subd. sa nabanggit na bayan.
Tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Randy Tuplano ng Tagaytay Street, Brgy.127, Caloocan City at mag-utol na Sonny at Arnold Balagtas na kapwa nakatira sa Don Jose St., Caloocan City.
Sa police report, isinagawa ang krimen sa barrack ng nabanggit na barangay kung saan sinundan ng mga suspek na lulan ng motorsiklo.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na si Tuplano ang naunang naging project manager subalit sa hindi malamang dahilan ay biglang pinaalis at ipinalit si Parayno.
Inaakala ng suspek na sinulot siya sa trabaho ng biktima na nagbunsod upang magtanim ito ng galit at isinagawa ang pamamaslang kasabwat na ang mag-utol.
- Latest
- Trending















