LAGUNA , Philippines — Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Paihi Gang ang dinakma ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) makaraang maaktuhang nagnanakaw ng galung-galong krudo kamakalawa sa bayan ng Biñan, Laguna.
Pormal na kinasuhan sina Luis Guanzon, Jr. ng Indang, Cavite; Ricardo Albay ng Alabang, Muntinlupa City; Salvador Reyes at Christopher Valendia, kapwa nakatira sa Biñan, Laguna.
Ayon kay Atty. Olivo Ramos, hepe ng NBI Laguna District Office, nagbunsod ang operasyon dahil sa reklamo ng negosyanteng si Juanita Ilaya na may-ari ng Jan R Transport sa Dasmariñas, Cavite.
Ayon kay Ilaya, nalulugi na ang kanyang kompanya ng halagang P.3 milyong diesel mula nang mag-operate ang mga suspek simula pa noong 2009.
Sa inilatag na operasyon ng NBI, namataan ang mga suspek habang nagsasalin ng diesel mula sa dala nilang sasakyan patungo sa sasakyan ng sindikato sa Biñan.
Nabatid na sina Guanzon at Abay ay drayber ng Jan R Transport kung saang regular na pumaparada sa garahe na pag-aari naman ni Reyes sa Barangay Malamig, Binan.
Nakarekober ang NBI ng mga galon ng diesel sa van ni Valendia at maging sa garahe ni Reyes. Arnell Ozaeta