Mag-asawa, 2 anak dedo sa sunog

MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa mag-asa­wa at dalawa nitong anak makaraang makulong sa nasusunog na tatlong pa­lapag na commercial building kahapon ng madaling-araw sa Cotabato City.

Kabilang sa mga nasawi ay ang mag-asawang John­son Wee, 41; at Heidi, 34; mga anak na sina John Lorenzo, 6; at Kim Patricia, 8; na pawang nakatira sa Wewee Commercial Building sa Sinsuat Avenue, Brgy. Poblacion 5.

Nasagip naman ng mga tauhan ng pamatay-sunog sa pamumuno ni Fire Marshal Chief Inspector Adam Ali Guiamad sina Reme­dios Wee at Lerna Intar, 60, na ngayon ay nasa Maternity Hospital.

Na-suffocate naman sina SFO3 Tinti Abdullah, SFO2 Jose Jimmyu Kina­zon, FO3 Sherwin Agustin, FO3 Dante Kasan, FO3 Dante Kasan, FO1 Anwar Kasan, at si FO1 Hexter Jan Cadavero.

Sa inisyal na imbesti­gasyon, lumilitaw na nagsi­mula ang apoy sa unang palapag ng gusali kung saan matatagpuan ang Wee’s Airline Ticketing Office and Business Center.

Nabatid na naka-padlock ang bakal na bakod ng gusali kaya napilitang wasakin upang iligtas ang ilan sa mga na-trap na biktima.

Nagawa pang maisu­god sa ospital ang ilan sa mga biktima pero idinekla­rang patay habang patuloy naman inoobserbahan sina Remedios at Lerna.

Naapula ang sunog ban­dang alas-5:20 ng uma­ga na nagsimula ban­dang alas-4:12 ng mada­ling-araw kung saan pina­niniwalaang kandila o di kaya ay nag-overheat na emer­gency light ang pinag­mulan ng sunog.

Show comments