MANILA, Philippines - Sinagupa ni kamatayan ang anim na bandidong Abu Sayyaf at isa naman sa hanay ng Phil. Marines sa panibagong sagupaan sa liblib at bulubunduking bahagi ng Maimbung, Sulu kahapon ng umaga.
Ayon sa opisyal ng Army’s regional office na si Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino, bandang alas-7 ng umaga nang makasagupa ng Marine Battalion Landing Team 4 ang grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf sa liblib na bahagi ng Sitio Kandang Tukay sa Brgy. Karawan.
Nabatid na tumagal ng may dalawang oras ang engkuwentro sa pagitan ng militar at grupo nina Sayyaf kumander Albader Parad at Abu Jumdail, alyas Doc Abu Pula.
Kasalukuyan pang bineberipika na isa sa mga lider ng bandidong Abu Sayyaf ang napatay kung saan tumanggi muna ang opisyal na tukuyin ang pangalan ng bandido dahil kailangan pa itong kumpirmahin.
“Most likely one top Abu Sayyaf leader was killed, it is still being validated,” ani Dolorfino sa napaulat na pagkamatay ng isa sa mga lider ng mga bandido.
Subalit kumalat ang balita sa hanay ng militar na ang napatay na lider ng Abu Sayyaf ay si kumander Albader Parad.
Tatlo namang sundalo ang nasugatan kung saan narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang Belgin FN rifle, dalawang M203 grenade launcher na sinasabing mula sa arsenal ng AFP.