Kandidato pina-disqualify ng ama na kandidato rin
BULACAN , Philippines — Ibinasura ng Comelec ang kandidatura ng isang congressional bet sa May 10 national elections matapos na magpetisyon ang kanyang ama na tatakbo rin sa congressional race sa bayan ng San Rafael, Bulacan.
Sa 6-pahinang desisyon nina Commissioners Nicodemo Ferrer, Elias Yusoph, at Lucenito Tagle, ang certificate of candidacy (COC) ng negosyanteng si Ricardo “Ricky” Silverio Jr., ay kinansela at ipinatanggal na ang pangalan sa listahan ng mga opisyal na kandidato sa halalan sa Mayo.
Si Ricky na kandidato ng Puwersang Masang Pilipino (PMP ) ni ex-President Erap Estrada ay isa sa anak ni Ricardo C. Silverio Sr., ay alkalde ng bayang ito at dating kongresista ng 3rd distrito ng Bulacan.
Ang mag-ama ay nakatakda sanang maglaban sa congressional race ng 3rd distrito ng Bulacan kung saan si Silverio Sr.(Tata Carding) ay kandidato ng Lakas-Kampi CMD.
Ang pagkakasibak kay Ricky ay batay sa petisyong isinumite ng kanyang ama sa Comelec na nagsasabing maghahatid ng kalituhan sa mga botante ang kandidatura ng kanyang anak.
Ayon sa kanyang ama, si Ricky ay hindi residente ng San Rafael at hindi bumoto noong 2004 at 2007, kaya’t ipinatanggal ang kanyang pangalan sa listahan ng mga botante batay na rin sa desisyon ng San Rafael Municipal Trial Court noong Disyembre 3.
Inamin naman ni Ricky na ang ginagamit niyang tirahan ay sa 26-D Makati Tuscany Condominium, #6751 Ayala Avenue, Makati City ngunit hindi raw niya inabandona ang tirahan sa bayang nabanggit. Lumilitaw na si Bulacan Governor Joselito Mendoza na lamang ang katunggali ni Tata Carding sa eleksyon. Dino Balabo
- Latest
- Trending