MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu ang isang ina na lumaslas sa leeg ng kanyang anak na sanggol na lalaki sa San Jose, Camarines Sur kamakalawa.
Inaresto at ikinulong ng mga nagrespondeng elemento ng pulisya ang suspek na si Melba Banawan, 32-anyos, ng Barangay Danlog, San Jose.
Sinasabi ng mga kapitbahay na, bandang alas-4:00 ng hapon kamakalawa, nagkulong sa loob ng kanyang bahay si Banawan.
Nagbanta pa umano ang ginang na papatayin ang kanyang 10 buwang gulang na sanggol kapag nagpumilit pumasok sa kanilang bahay ang kaniyang mga kasambahay kabilang ang ama nito.
Ilang saglit pa ay bigla na lamang umanong humalakhak nang malakas ang ginang na may hawak na 24 pulgadang itak na ginamit nito sa paglaslas sa leeg ng sanggol.
Makalipas ang ilang minuto, nakita ng kapatid ni Melba ang sanggol na wala nang buhay na umaagos pa ang dugo sa nilaslas na leeg habang nakatulala naman ang ginang.
Pinaniniwalaan ring matinding depresyon ang nagtulak sa ginang na patayin ang sarili nitong anak.
Sinasabi sa ibang ulat na pinapatulog ni Melba ang sanggol pero patuloy ito sa pag-iyak kaya nairita ang suspek at sinaksak ang biktima.
Matapos ang ginawang krimen kaagad naman na iniwanan ng ina ang kanyang anak sa loob ng kanilang bahay at siya namang pagdating ng ama nito at naabutan ang kalagayan ng anak at mabilis na isinugod sa pagamutan at dineklrang dead-on-arrival ng mga doktor.
Ayon naman sa pahayag ng mister na ang kanyang misis ay matagal na niyang napapansin ang kakaibang ikinikilos nito na hindi niya binigyan na kahalagahan.
Sa kasalukuyan, si Melba ay inihatid na ng mga awtoridad sa Mental Hospital upang ipasuri ito.